Di ukol lang sa Nakalipas,
Kundi sa buháy na Landás
Ng Kahapon, Ngayon at Bukas.
....................Di lang ukol sa mga petsa,
....................O ngalan ng lugar o ng 'bida'
....................Na ikinasasakit ng ating ulo
....................Sa tangkang mamemorya.
Ito ang tunay na pagdaloy
Ng isang mahabang istorya
Tungkol sa ating malaking pamilya
At tayo mismo ang mga bida!
....................Kailangang subaybayan ang nobela
....................Ng mga karanasan na ating talaga
....................Upang malinaw nating maalaala
....................At makapulutang-aral pa nga!
Kasaysayan nati'y dumadaloy
Napakatagal na, magpapatuloy pa,
Karugtong ay isinusulat na
Ng ating mga pagpapasya.
....................Nasa ating mga kamay nakasalalay
....................Ang itatakbo ng sama-samang buhay,
....................Kung pagdurusa ay tatagal, lulubha,
....................O magtatamasa na ba tayo ng ginhawa.
Mga daloy ng ating sama-sama,
Hiwa-hiwalay na buhay-buhay
Ay paulit-ulit na nagsasanib,
Paulit-ulit na nagsasanga-sanga!
....................Walang iniwan sa daloy ng ilog
....................Na mahalagang ating makilala
....................Nang buong linaw at malaliman
....................Upang maunawa nati't maitakda...
.........Alang-alang sa ating mga anak,
.........Sa kinabukasang tinutungo nila!
.* * *
Basahin ang salaysay sa Kasaysayan ng Pilipinas sa anyo ng isang mahabang tulang
pinamagatang DALOY: Tulambuhay ng Taga-ilog, na kinatha ni Ding Reyes noong 1997.
Pumindot po dito.

handog sa inyo ng:
KAMALAYSAYAN
(Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan)
No comments:
Post a Comment